Pages Menu
TwitterRssFacebook
Categories Menu

Posted by on Jul 9, 2015 in Contributing Writers | 0 comments

On Depression

Tahimik na kaaway ang depression. Halos walang iisang pinagmumulan kundi sa iba’t ibang hugot ng buhay. Naapektuhan ako sa balita tungkol sa batang batang anak ng mga kilalang alagad ng sining na kumitil ng sariling buhay. Hindi lang minsan ko nang nakadaupangnpalad ang kalagayang ito sa mga kina-counsel ko, minsan din sa aking madilim na nakaraan ay pinagdaanan ko din siya. Ngunit tanging pag-ibig lang talaga ng Diyos ang humugot sa akin mula sa balon ng kalungkutan na ito, at sa pangakong sa Kanya ko lang matatagpuan ang tunay na kapahingahan ako kumapit. Kaya’t ako ay naenganyong sumulat nitong kathang isip na kwentong ito na nagpapatungkol sa lalim ng sugat na idinudulot ng depression. Tatawagin ko itong “Maingay na katahimikan”

Minsan sa gitna ng katahimikan may mga tunog at tinig na sadyang gustong magparamdam. Hindi lang natin namamalayan pero minsan kung ano pa ang napakatahimik ay siya pang lumilikha ng malaking ingay. Ang ingay na likha ng pusong nasasaktan, hagulgol kung minsa’y magparamdam, pero minsan naman impit lang na tinig na ang sinok mas maingay pa nga kung minsan. Ganun din ang takot, minsan hiyaw kung magpahiwatig, pero minsan dinadaan na lang sa tahimik na titig. Ang galit, bagama’t parang giyera kung sumabog, pero kung ito’y nakatago parang tubig lang na walang tigil sa pagkulo.

Minsan ma’y isang bata, nung siya ay isinilang nagdiwang langit at lupa. Bawat iyak at tawa sinusubaybayan, wala nang pinakamaganda pa sa buong mundo kundi siya na lamang. Pero isang araw nabasag ang lahat, sa isang lugar na itinuring na “ligtas” nasira ang lahat ng katahimikan… Nawala ang kainosentehan. “Bakit ganun?” Sambit ng musmos, “Bakit siya? Bakit AKO?” Sabi ng munting tinig sa isip ng munting bata. Pero hindi lang minsan nangyari ang minsan dahil minsang pang itong naulit, at naulit, at naulit… At naulit pa muli… Hanggang naging madalas na ang minsan. Lumipas ang mga araw ang noo’y bata ngayon ay hindi na. Hindi na siya musmos pero hindi pa rin matatawag na tunay na dalaga. Wala na ang hilig sa laruan, ang hilig naman ngayon ay mag-ayos na parang prinsesa. Konteng kulay dito, kolorete doon, konteng papula ng labi, kulayan ang kuko, tali ng buhok, bukas ganun ulit.

Sa school bida siya, lahat gusto lumapit sa kanya, marami gusto maging siya. May ilang punong-puno ng pagpupuri ang pinapatungkol sa kanya, pero mayroon din namang sa bulong dinadaan ang kanilang usapan. “Alam mo ba na siya ay ano…” Sabi ng isa, “Talaga? Ang alam ko naman ganito…” Tugon naman ng isa pa, at sa bawat bulong may kalakip na sulyap na makahulugan na patungo sa kanya. “Hindi ko kayo papansinin!” Sambit niya sa kanyang sarili. “Wala kayong mga kwenta! Para lang kayong si…” At sabay balik niya sa ginuguhit niyang prinsesa… At kung bakit mukha itong bangkay na binilad sa araw, tanging siya na lamang ang nakakaalam. Buhos sa aral na parang wala ng bukas, punan ng kaalaman ang utak na nakukurta na. Sa tuwing natatanaw niya ang umpukan ng nagbubulungan, sisibat na lang muli sa tahimik na lugar sa loob ng kanyang isipan. Sa araw-araw ganun na lang lagi ang takbo ng buhay.

Labimpitong kaarawan ang lumipas sumampa na ng pamantasan ang ating bida. Bagong mundo, bagong simula, bagong grupo ng mga tao, malayong malayo na sa nakaraan na ewan. Sa wakas, eto na ang pagkakataon na pwede na siyang magtaglay ng ngiti sa dati’y madilim na mukha… Hanggang nagsimula na siyang muling magtiwala… Iba itong si pogi, magalang, matalino, talentado, kilala di lamang sa pamantasan kundi pati na rin sa mga kalapit na komunidad. “Mabait yan…” Sabi ng isa. “Magalang sa mga teacher at sa mga magulang niya yan…” “Uy, panalo!” Sabi ng isip niya “Malayong malayo kay…” At muling ibinalik niya sa kanyang tenga ang mga earphones kung saan bumubuga ang tunog ng maingay na tugtugin na sinasabayan ng tinig ng lalaking pahiyaw kung kumanta. “Hi, kamusta ka?” Ang bati ni pogi, “Napansin ko lagi kang tahimik, at lagi kang nag-iisa, may dinadamdam ka ba?” “Huh? Ako? Wala!” Ang sambit niya, para ang sa loob na ng isipan niya humihiyaw na, “Tumigil ka!!! Malalaman niya ang tungkol sa…” At muling nilubog na lang niya ang kanyang diwa sa salin ng maingay na musika.

Lumipas ang mga araw namayagpag ang pangalan ng ating bida sa pamantasan, sa bawat araw unti-unti siyang gumagawa ng pangalan sa mga guro at sa kapwa kamag-aral. “Sama ka naman sa amin. Mag relax tayo, tapos na ang exam!” Aya nila sa kanya, “Bakit hindi?” Sabi ng isip niya, “At least hindi nila ako pinagbubulungan… Why not? Tara!” Sa grupong yaon naroon din si pogi, at habang masaya nilang binabaybay ang lawak ng pinuntahan nilang mall, unti-unti niyang nakilala at na-appreciate ang kabuoan ng hinahangaang kamag-aral. At dun na nagsimula ang panibagong yugto sa kwento ng ating bida…

“Yun na nga ba ang sinasabi ko! bakit ba ako nagtiwala pa?” Ang sigaw ng isipan niya, “Ayos na ako e! Bakit ba ako nagpadala sa kanya?” At muling nanumbalik sa kanya ang mga eksena ng nakaraan mula ng si pogi ay naging kapalagayan na niya ng loob. Nagsimula sa tawanan, biruan, tuksuhan, hanggang isang araw nagkaroon ng pagbibitiw ng pangako, “Wag ka mag-alala, hindi kita pababayaan…” At dito na nagsimula ang paghulog ng tiwala ng ating bida… Hanggang, humantong sa isang pagkakataon na siya na lamang at si pogi ang tanging natitira sa mundong kanilang kinagagalawan, at kasama sa mundong ito ang isang gusali na pinupuntahan ng kagaya nilang mga walang ibang laman sa isip kundi ang isa’t isa… At dito nagpapasasa sila sa bagay na alam niya ay mali at sadyang hindi dapat, pero sa pagkakataong ito iba na ang kanyang nararamdaman. Kung kaya’t ang minsan ay hindi na lang minsan dahil ilang ulit ding naulit ang minsan. Pero lumipas ang araw, bago pa man dumating ang araw kung kailang ganap ng dalaga ang ating bida muling nagbago ang takbo ng mundo. Yung dati’y tuwa at halakhak ang namumutawi sa mga labi niya, bumaligtad, at simangot na ang siyang pumalit sa kanyang mukha. Si pogi na dati-rati ay kasa-kasama niya bigla na lang nanabang at sinabihan pa siya na “Siguro kailangang pagtuunan muna natin ng pansin ang ating pag-aaral… Saka na muna ‘to… Kung talagang tayo, tayo talaga sa bandang huli…” At muli, naghuhumiyaw na naman ang mga nanahimik ng mga boses sa kanyang isipan. Pinilit niyang bumalik kung saan siya tumigil para sabihing, “Ok lang! Keri lang!” Pero ayan na naman ang mga bulungan at ang mga makahulugang sulyap sa kanya. Unti-unti bumalik siya doon sa tahimik na bahagi ng kanyang isipan… Walang nakakaalam, tanging siya lamang. At unti-unti na din nagbago ang kanyang katanyagan, ang dati ay puro puri mula sa kanyang mga guro at kamag-aral napalitan na ng pagpapaalala na ang mga grado niya ay nagbabagsakan. Pilit niyang sinasabi, “Hindi babangon ulit ako!” Pero sa loob niya may pumapalag, “Sabi ko naman sa’yo e…” At sa tahimik na lugar ng kanyang isipan doon na siya tuluyang nanahan.

Hanggang sa dumating na nga ang araw na hindi niya na gusto pa sanang dumating pa… Ang kanyang kaarawan. Pilit niyang ipinapakita sa kanyang mga mahal sa buhay na siya ay nasisiyahan, habang sila ay nagsasalo sa handang hinatid ng lalaki na sa motorsiklo nakasakay. At habang sila ay nagkwekwentuhan sa pagitan ng bawat subo ng manok na prinito at noodles na nilunod sa pulang sauce, biglang bumulaga sa kanyang harapan ang isang tao na tila ba isang masamang panaginip na muling naungkat mula pa sa kanyang nakaraan. “Eto na ba si….? Ang laki-laki mo na a! Dalagang dalaga ka na!” Sabay haplos sa kanyang braso at tumingin sa kanya ng may kahulugan. Natapos ang gabi at ang lahat ay pumunta sa sa kanya-kanyang silid tulugan. Sa loob ng kanyang silid umupo siya sa gilid ng kanyang kamang malambot na binalutan ng kobre kamang nagpapaalala sa kanya na siya ay isa pa ring prinsesa. Pero sa gabing ito iba ang kanyang naramdaman, nagpupumiglas ang kanyang damdamin na sinasamahan ng nagpupuyos na galit. “Anong ginagawa niya dito? Ang kapal naman ng mukha niyang magpakita pa sa amin!” Ngunit ang galit na ito siya lamang ang nakakasama. “Dapat malaman na nila ito. Hindi ito tama!” Sabi niya sa kanyang sarili, “Pero kanino ko ‘to sasabihin? Kay daddy?… Kay mommy?… Kay kuya?… Kanino?” At sa sandaling iyon paimpit siyang humikbi, siniguro niya na tanging siya lang ang nakakarinig ng pagtangis na iyon kahit sa loob ng kanyang puso ay hiyaw-hagulgol na. At sa marahang pagtulo ng kanyang mga luha muli na naman niyang dinala ang kanyang sarili sa tahimik na bahagi ng kanyang isipan. “Ang sarap dito. Tahimik…” Sabi ng kanyang isipan, “Dito na lang ako…” At sa dilim ng kanyang silid unti-unti siyang binalot ng katahimikan. Humiga siya sa malambot niyang kama at ninamnam niya ang katahimikan na lumulukop sa buo niyang pagkatao… Habang paunti-unti ng humuhupa ang pagtulo ng kanyang mga luha, sa kanyang mga pulso naman ay umaagos ang mainit niyang dugo na nagpapapula sa kobre kama niyang nagpapaalala sa kanya na isa pa rin siyang prinsesa, habang unti-unting binatawan na ng kanyang kanang kamay ang cutter na ginamit niya sa malalim na paghiwa niya ng kanyang mga pulso. “Ang sarap ng katahimikan… Gusto ko na lang pumirmi dito… Pagod na pagod na ako…” At ang katahimikan ay nagtuloy, tuloy, tuloy, tuloy… At nang bumalot na ng tuluyan ang katahimikan… Bigla itong lumikha ng napakalaking ingay…

Click to Share: Facebooktwittergoogle_plusredditpinterestlinkedinmail

Post a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *