Pages Menu
TwitterRssFacebook
Categories Menu

Posted by on Sep 6, 2013 in Contributing Writers | 0 comments

Notaryo


by Mark Libunao 
Malungkot na malungkot na malungkot na malungkot ako.

Ilang taon na rin ang nakakalipas noong may lumapit sa aking matanda, ipinatong niya ang kanyang kamay sa aking kaliwang balikat at kanyang sinabi ang ganito:

“Totoy, bata ka pa… Marami ka pang kabiguang mararanasan sa iyong buhay.”

Akala ko ay sa mga pelikula lamang nagyayari ang mga ganoong tagpo subalit lubos akong nagulat na nangyayari pala talaga iyon sa totoong buhay.

Nagulat ako sa sinabi ‘nung matanda. Ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad at nang siya ay aking lingunin… nagulat ako na wala na siya!!! (joke lang)

Syempre, andun pa rin siya.

Kahapon, nakatanggap ako ng mensahe na DISQUALIFIED daw ang aking akdang ipinasa noong buwan ng March sapagkat hindi ko nai-panotaryo ang aking Authorization Form. Ibig sabihin, ang aking akda ay hindi kailanman nabasa ng mga hurado at hinding-hindi kailanman magkakaroon ng pag-asa para mabigyan man lamang ng sulyap o kahit konting pagtingin.

Kay saklap.

Isa at kalahating taon din ako na naghintay para doon subalit ngayon ay kailangan ko ulit maghintay ng isa pang taon upang makasali. Pagkalabas ko mula sa eskwelahan, pakiramdam ko ay nalugi ako at nadaya ng panahon.

Lakad ako ng lakad kahit saan upang kahit paano’y mabawasan ang kabiguan na aking nararamdaman. Lubha ko kasing sineryoso ang patimpalak na iyon. Minsan nga, napapanaginipan ko pa ito. Sa aking paglalakad ay nahinto ako sa tindahan ng Dunkin’ Donuts. Sabi kasi ng kaibigan ko, may kakaibang sangkap daw talaga ang mga tsokolate na nagpapasaya sa tao. Sinubukan kong kumain ng maraming doughnut in choco flavor. Nagulat ako sa resulta… malungkot na malungkot na malungkot pa rin ako. Patuloy ko pa ring naaalala ang mensahe na aking natanggap. Patuloy na humihiwa sa aking puso ang liham na aking nabasa. Patuloy na umiikot sa lansangan ang ang salitang DISQUALIFIED. Habang ako ay nakasakay sa bus, para bang nakikita ko ito sa sa mga signboard, pakiramdam ko ay nakasabit ito sa mahabang kable at linya ng Meralco. Pagkauwi ko ng bahay, naalala ko na naman na disqualified ako nang ipalabas sa TV ang commercial na matagal nang hindi ipinapalabas.

“12 lang ang napili sa try-out. Pang 13 ako, practice ako ng practice. May uniform na ako.. Nay, bakit po?”

OK lang naman kahit hindi manalo ang aking entry basta ba mabasa ito o mabigyan man lamang ng pagkakataon na makalaban man lang.

Noong oras na iyon, parang gusto kong lumapit sa aking nanay at umarte din ng “Na-disqualify ako sa contest. Almost one year ako nag-wait. Sulat ako ng sulat, nag-eedit-edit pa ‘ko. Nay, bakit po?”

Binuksan ko ang aking Netbook at muli kong binasa ang aking akda na lahok sana sa Palanca Awards. Habang binabasa ko ito ay hindi pa rin nawala ang lungkot sa aking puso at isipan subalit pakiramdam ko’y may kabuluhan ang aking naranasan.

Ang aking akda ang sumagot sa lahat ng aking agam-agam.

Tama si Paolo Coleho, “Obligasyon natin sa ating sarili ang ating mga pangarap.” Sa tingin ko, tama rin ang sinabi ng aking estudyante na hindi lahat ng pangarap ay matutupad. Sa pagsusulat pala, hindi mahalaga ang papuri, karangalan at ang palakpak ng tao. (Bonus na lang ito kung sakali man).

Mahaba pa ang aking lakbayin sa larangang ito. Katulad ng maraming manunulat at katulad din ng mga gustong maging manunulat, alam ko na marami rin silang mga kwento ng kabiguan. Sa kabila ng kanilang mga tagumpay, alam kong nasa likod noon ang mga bagay na minsan ay nagpa-lungkot rin sa kanila. Marami pa akong karanasan na dapat maranasan, ipunin at isa-puso. Sa ngayon, maaring hindi napabilang ang aking akda, maaring hindi ito nanalo, subalit nag-iwan naman ito ng guhit, pitik at marka sa aking puso. Natutunan ko ang tunay na mas mahalaga: Iyon ay ang tanggapin ang mga pagkatalo at pagkabigo, patuloy na ngumiti, maging masaya at ipagkatiwala sa Dios ang mga mumunting pangarap sa buhay. 

(Ang nasa ibaba ay excerpt mula sa aking akda na “Paano Iguhit ang Nakangiting Manok?” Ito ang sumagot sa aking agam-agam)

Ginahasa pala si Myrine. Nakakagimbal na ang tahanan na dapat sana ay mag-iingat, kakalinga at magbibigay ng pagmamahal sa umiiiyak at kaawa-awang musmos na tulad niya ang siya pang wawasak, papatay at magnanakaw ng kanyang pangarap. Halos maiyak ako nang sinabi niyang tatapusin niya ang karera. Nakiusap siya na muli ko siyang bigyan ng pagsusulit sapagkat tuloy pa rin ang kanyang pangarap na harapin ang pag-aaral upang salubungin at yakapin ang kanyang mithiin na maging isang mahusay na Accountant. Sa kabila ng kanyang hikbi, pakiramdam ko’y lalo siyang lumakas at tumibay. Bigla ko tuloy naalala ang mga katagang minsang binitawan ni FPJ, “Para mo na ring pinatay ang isang tao kapag ninakaw mo ang pangarap niya sa buhay.”

Ang tao pala ay maaaring mamatay nang paulit-ulit dahil sa kabiguan, kalungkutan at kasakiman ng iba. Kung tutuusin ay minsan na ngang namatay si Myrine noong siya’y nakawan ng isang nilalang na hayok sa laman. Ngunit ang pag-asa, pananalig at ang pangarap ay tangan pa rin niya sa kanyang puso na nagpapahiwatig nang muling paglalakbay at pakikipaglaban sa hamon ng buhay. Ang kanyang muling pagbangon sa kabila ng isang balaraw na nakatarak sa kanyang inosenteng pagkatao ay hudyat na muling tutunog ang trompeta ng pakikibaka hanggang sa marating niya ang magandang indayog at ritmo ng musika ng pagtatagumpay.

Click to Share: Facebooktwittergoogle_plusredditpinterestlinkedinmail

Post a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *